Tuesday, March 20, 2007

Sa Ilalim ng Kasaganaan

Dati-rati ay isang uhuging musmos na naglalaro ng holen sa bakuran nila Mamang Lonsio. Nang-iigib ng tubig sa posong de pitsel kina Ditseng Ina. Sinanay sa isang payak na pamumuhay at hinubog sa ilalim ng hilahil na hindi makakat ng de kahong kaisipan. Mababaw ang hangaring dinadala bunsod ng ilaw na kingke tanging tanglaw sa pusikit na gabi sa gitna ng mga buriking animo ay humahalik sa langit. Kaalinsunod ng mga umagang kapiling ang mga kalabaw sa pastulan na ngumingima ng mga damong tigib sa hamog. Isang simpleng pangarap sa isang simpleng kabuhayan.

OO nga at totoo isang simpleng pangarap sa gitna ng pinanghihinlabuan. Subalit ang mga panahong yaon ay lumipas kasabay ng mga gurlis, peklat at koyo sa balat pati na rin ang kalyo sa mga paa't kamay. Binago ng napapanahong kalakaran na hindi mabatid ang tunay na kasaganaan. Ano nga ba ang tunay na kasagaan?

No comments: