Ang mga mata dagling napapikit at nasabit ng mga labi ang katagang "Miserere Nobis Domine". Sana ay matagpuan ang sakdal na kagalingan ng angking buhay. Batid na ang katatagan ng kalooban at lakas ng kamalayan. Nawa sa pagkakataon na muling marating ang katuparan ng mithiin ay manatili at hindi magpalit ng kulay.
May kagyat na dahilan ang mga bagay nagdaan. Huwag sana itong magsilbing kargamentong magpapahina sa pagal na katawan. Ang mga bagay na nagdaan ay magmamarka bilang aral ng hilahil na higit pang nagpapalawak sa kamulatan. May mga bagay nasusukat maging sa magkabilang dulo ng mundo at may mga bagay naman na nasa harap mo na ay hindi pa mabatid. Matalinhaga man ang bawat saglit, ito ay umuukilkil sa bawat himaymay ng isip.
Nasumpungan man ay dapat lisanin. Limiin o dili sa isang butaka makita kaya ang tunay na halaga?
Maging sa maling panahon nga ay mayroon ding hamon abay bakit nga ba tayo ay pumaroon? Sakbibi ng hapis dagling inintindi, liwanag ay bumukal sa lupa ay dumampi. Sa paglaya ng kaisipan kasama ang dakilang katwiran. Maging ang Atlantis na namamahinga'y magagawang palutangin sa karagatan.
Kung ilang beses man na katawang lupa ay nahimlay. Muling magbabalik upang lubos na matupad.
Sa tipanang magkaugnay lang ang nakakaalam. Sana ay huwag limutin ang palatandaan.
(itutuloy)
Si bona existimatio divitiis praestat, Concunque jeceris estabit.